Ugnayang Kaharian ng Langit at Lupa
Kabisera ng Katotohanan
ng Banal na Hari at Mahal na Pari
Banal at Mahal na Hamon Bilang (Blg.) Magpasawalang-hanggan-001
ISANG BAGONG BAYAN NG PILIPINAS SA ILALIM NG PAMUNUAN NG ISANG BAGONG SALINLAHI
SAPAGKAT, Ang Mga Kabataan at si Hesus
Binibitbit ng mga tao ang mga sanggol kay Hesus upang hipuin niya ang mga ito. Nang makita ito ng mga apostoles, sinaway nila ang mga lumalapit na tao. Subalit tinawag ni Hesus ang mga kabataan papunta sa kanya at sinabi niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga kabataan, at huwag ninyo silang pipigilan, sapagkat sila ang mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos. Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, sinuman ang hindi matutong tanggapin ang kaharian ng Diyos tuald ng pagtanggap ng mga kabataan ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos;
(Ang Kasulatan ni Lukas, Kabanata 18: talata 15 hanggang 17)
SAPAGKAT, Sa Aking Mga Kababata ni Dr. Jose Rizal
(Isinulat noong walong taong gulang pa lang siya)
Kapagka ang baya’y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit
Sanglang kalayaan nasaring malapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.
Pagkat ang salita’y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo’t mga kaharian,
At ang isang tao’y katulad, kabagay
Nang alin mang likha noong kalayaan
Ang hindi magmahal sa sariling wika
Higit pa sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.
Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagkat ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
Ang salita nati’y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una
SAPAGKAT, may mga samahan ng mga kabataang Pilipino na nananawagan ng pagkakaroon ng pagbabago sa Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas na itinitik noong Taon Nang Ating Panginoong Diyos na Maykapal Isang Libo Siyam na Raan at Walumpu’t Pito (1987 Constitution of the Philippines);
SAPAGKAT, mayroon din namang mga samahan ng mga kabataan na tumututol sa pagkakaroon ng pagbabago sa nasabing Saligang Batas lalupa’t kung pangungunahan din lamang ito ng kasalukuyang henerasyon ng mga pinuno na nakaluklok ngayon sa kapangyarihan. Sa katunayan, naglabas na rin ang Student Councils Association of the Philippines (SCAP) nang pagpapahayag ng kanilang maigting na pagtutol sa pagsasagawa ng mga pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas kung ito’y pangungunahan din lamang ng kasalukuyang henerasyon ng mga pinunong nakaupo at lalo na kung hindi maisasama ang mga saloobin ng susunod na salinlahi sa gagawing pagbabago ng Saligang Batas;
SAPAGKAT, tinatayang humigit kumulang tatlumpung milyong (30 million) kabataang Pilipino ang may karapatan at maaari nang bumoto sa darating na halalan na nakatakdang ganapin sa Ikalawang Lunes ng Buwan ng Mayo sa Taon ng Ating Panginoong Diyos na Maykapal Dalawang Libo at Sampu (2nd Monday of the Month of May in the Year of Our Sovereign Lord GOD Almighty Two Thousand and Ten); kabilang na rito ang siyam na milyong kabataang Pilipino na boboto sa kauna-unahang pagkakataon sa kanilang mga buhay. Ang bilang na ito ay sapat upang maghalal ng Pangulo at Pangalawang-Pangulo ng Pilipinas, ng mga Senador, mga Miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ng lahat ng mga manunungkulan sa lahat ng antas ng mga lokal na pamahalaan;
NGAYON, DATAPWAT, AKO, si Jeffrey Roden y Jaraba, sa bisa at pamamagitan ng ipinagkaloob at itinanghal sa akin na kaukulan at kapangyarihan, bilang Tagapagmana ng Lahat ng Kayamanan at Karunungan ni Haring Solomon, at ng Tahanan ng Batang Pastol at Dakilang Mapagpalayang Hari na si David, ng Kumpas ng Pastol na si Moses, ng Sandaigdigang Sambayanan na Isinilang Mula Kay Jacob, ng mga Ipinamana kay Isaac, ng Pamunuan ng Ating Ama at Magiting na Prinsipeng si Abraham na Siya Ring Ama ng Sambayanang Isinilang Mula Kay Ismail, ng Pangakong Salita ng Diyos kay Noah, at ng Pagkakasala ni Adan, at bilang Hari ng lahat ng mga Hari at Panginoon ng lahat ng mga Panginoon, sa Gabay at Pagmamahal ng Nag-iisang Diyos na Maykapal, ang El Shaddai, Jehovah Jireah, Allah, El Elohim Adonai, na Siyang Maylikha ng Langit at Lupa, Siyang Simula at Katapusan ng Magpasawalanghanggan, Siyang Nagtayo ng Lahat ng Uri ng Pamahalaan, Siyang Nagtayo ng Buong Kalawakan, katuwang ng Dakilang Pangalan at Dinanak na Dugo ng kanyang bugtong Anak na si Hesus bilang Kabayaran ng Lahat ng Kasalanan ng Sangkatauhan, at sa Tulong at Udyok ng Rumaragasang Katotohanan nang Banal na Kaluluwa nang Diyos na Espiritu Santo na Pumapawi ng Lahat ng Pagod at Gutom, ay siyang nagwiwika at nagpapatibay nang mga sumusunod na salita at wikain:
Una, Ako ay nananawagan sa lahat nang mga kabataang Pilipino, na napapaloob sa hanay na labingwalong taong gulang hanggang tatlumput-limang taong gulang (18 to 35 years old) humigit-kumulang sa pagsapit ng araw ng halalang nakatakdang isaganap sa ikalawang Lunes ng Buwan ng Mayo sa darating na Taon nang Ating Panginoong Diyos na Maykapal Dalawang Libo at Sampu (2nd Monday of the Month of May in the Year of Our Sovereign Lord GOD Almighty Two Thousand and Ten), upang magbuklud-buklod at magkaisa sa paghahanda nang pag-ukit at pagsusulat nang magiging kinabukasan at hinaharap ng Sambayanang Pilipino; siya rin ang aking panawagan na magbuklud-buklod sa lahat ng mga naunang henerasyon pati na iba pang mga sektor ng buong sambayanang Pilipino na hindi man kabilang sa hanay ng mga edad o gulang na nabanggit, subalit patuloy pa rin ang kanilang pag-asam at paniniwala sa kakayahan at pagtutulungan nating lahat na baguhin ang sambayanang Pilipinas at pati na rin ang buong mundo at buong kalawakan sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa lahat ng mga lahi at lahat ng nilikha ng Panginoong Diyos na Maykapal;
Pangalawa, Ako ay nananawagan sa nasabing mga kabataan at buong sambayanang Pilipino na magkaisa sa pagbubuo nang isang pandaigdigan, pangmalawakan, pangkabuuan, pangkalahatan at magpasawalanghanggang pagkikilos sa ilalim nang iisang lapian na kikilalanin at tatanghalin sa pangalang SALINLAHI (“New Generation”) upang magpasimula at magpasiklab ng isang mapayapa ngunit malawakang pagbabago sa lipunan at sambayanang Pilipino at maging sa buong mundo sa pamamagitan nang paglulunsad ng mga pinuno ng kabataan na hahabol at maglulunsad ng kanilang mga kandidatura sa darating na halalan na nakatakdang ganapin sa Mayo 2010. Sa diwang ito, itatalaga ang lapiang SALINLAHI at isusumite ang rehistrasyon sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan bilang isang ganap at lehitimong kilusan ng mga Kabataang Pilipino;
Pangatlo, ang SALINLAHI ay maglulunsad at magpapatakbo ng mga kandidato sa lahat ng posisyon na alinsunod sa Saligang Batas ng 1987 ay nakatakda at nakatayang buksan para sa halalang gaganapin sa Mayo 2010 mula sa tanggapan ng Pangulo, Pangalawang-Pangulo, mga Senador ng Senado ng Republika ng Pilipinas, mga Miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, Mga Gobernador at Bise-Gobernador, Mga Bokal o siyang mga Miyembro ng mga Sangguniang Panlalawigan, mga Pinunong Alkalde at Pangalawang Alkalde ng mga Bayan at Lungsod, at mga Miyembro ng mga Sanggunian ng mga Bayan at mga Lungsod.
Pang-apat, Kung siyang talagang ninanais at saloobin ng mga kabataang Pilipino na magkaroon nang pagbabago sa Saligang Batas bago sumapit ang nakatakdang halalan sa Mayo 2010, hinahamon ko ang lahat ng kabataang Pilipino na maglunsad nang pambansang pagkakalap ng mga lagda ng pakikiisa at pagsang-ayon sa nasabing balakin na baguhin ang Saligang Batas; kasama na rito ang pagpapababa ng gulang o edad na siyang kwalipikasyon upang makasama sa paghahabol, paghahalal at pagtatanghal ng mga kandidato na magmumula sa hanay ng mga kabataang Pilipino na hahabol para sa lahat nang posisyon magmula sa Pangulo, Pangalawang-Pangulo, pati mga Senador at mga Kinatawan at lahat ng pamunuan ng mga lokal na pamahalaan ng Republika ng Pilipinas;
Panglima, hinahamon ko ang lahat ng kabataang Pilipino na ilabas, kuhanin ang suporta at palagdain ang hindi bababa sa tatlumpung milyong Pilipino (30 million Filipinos of at least 17 years of age) bilang pagsang-ayon sa mga ninanais na pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas; sapagkat kung ang napakasimpleng bagay ng paglagda ay hindi natin maisasagawa, ay patuloy na pagsasamantalahan at paglalaruan ang ating kinabukasan dahil na rin sa ating kakulangan ng pagkakaisa at pagbabantay ng ating kinabukasan;
Pang-anim, ganunpaman, kung hindi man maisagawa ang nasabing mga pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas bago sumapit ang halalan na nakatakdang isagawa sa Mayo 2010, ay maaari pa ring kagyatang maisagawa ang mga pagbabagong ninanais ng mga kabataang Pilipino kung maihahalal ang labindalawang Senador (12 Senators) at isang buong Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) na ang lahat ng miyembro at pati na mga pinuno ng mga lokal na pamahalaan ay magmumula sa mga kandidato ng SALINLAHI;
Panghuli, kapag naiupo na nang mga kabataan sa pakikipagtulungan ng buong sambayanang Pilipino ang halos isang buong Kongreso ng Pilipinas na binubuo nang mga kandidato na magmumula sa hanay ng SALINLAHI ay maaari nang isagawa ng sambayanang Pilipino ang lahat ng naising pagbabago hindi lamang sa Saligang Batas kundi lalung-lalo na sa lipunan at pati na rin sa ipamamahagi ng sambayanang Pilipino sa sandaigdigang sangkatauhan;
Sa aking mga kababata, panahon na upang iwaksi ang mga kamalian ng daan-daantaong nakaraan at ng umaagos na kasalukuyan. Panahon na para tumindig para sa ating kinabukasan kung tama man ang mga binigkas na wikain ni Gat Jose Rizal sampu nang mga bayaning Pilipino na nagbuwis na kanilang mga buhay upang makamtan ang ganap na kalayaan para sa lahat ng Pilipino, na tayo ang natatanging pag-asa ng bayan. Kaya’t sa aking mga kababata, ang akin pong taimtim at palagiang dasalin at dalangin ay naway mapukaw na ang inyong mga damdamin sa katotohanang panahon na upang tumindig ang kabataang Pilipino. Dumating na po ang panahon para sa tunay at pangmalawakang pagbabago. Ngayon na po. Nasa sa atin pong mga kamay ang paghubog ng ating kinabukasan. Nagtutunggali na po ang ating madilim na pagkasadlak o maliwanag na pag-asa ng bagong kinabukasan. Hindi po bukas o sa susunod na buwan o di kaya sa susunod na taon. Ngayon na po. Panahon na po ng katagumpayan ng kabataang Pilipino.
Kasihan nawa tayong lahat nang Poong Maykapal.
ISINAGAWA ngayong ika-21 Araw ng Buwan nang Oktubre sa kasalukuyang Taon ng Ating Panginoong Diyos na Maykapal Dalawang Libo at Walo sa Pamantasan ng Pilipinas, ang Bagong Herusalem at Kabisera nang Banal at Mahal na Pamahalaan nang Pinagkaisang Kaharian ng Langit at Lupa.
Itinitik Nang Aking Pananampalataya, Mga Kamay, at Lagda:
(Nilagdaan)
Jeffrey J. Roden
